Mahigit 3,000 menor na-rescue dahil sa 'Manila curfew' ngayong buwan

Ayon sa hepe ng Manila Department of Social Welfare na si Re Fugoso, anim sa mga bata ang "third-time" violator na.
The STAR/Miguel de Guzman, file

MANILA, Philippines — Nasa 2,625 bata na ang dinampot ng Philippine National Police kasunod ng "full-blast" implementation ng curfew ordinance ng Maynila simula ngayong buwan.

Ika-2 ng Setyembre nang iutos ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso ang mahigpit na pagpapatupad ng City Ordinance 8527, na nagbabawal sa mga batang edad 17 pababa na magpalaboy-laboy sa kalsada ng dis-oras ng gabi.

Ipinatutupad ang curfew mula 10 p.m. ng gabi hanggang 4 a.m. ng madaling araw.

Ayon sa hepe ng Manila Department of Social Welfare na si Re Fugoso, anim sa mga bata ang "third-time" violator na.

Dahil dito, parurusahan ng 72 oras na "community service" ang mga menor kasama ang kanilang mga magulang.

Ilan sa kanila ay pinaglinis ng Bonifacio Shrine sa Lawton, Maynila habang ang iba naman ay inutusan na sumama sa mga cleaning activities ng kani-kanilang mga baranggay.

Kalakhan sa mga na-rescure ng PNP ay nadakip ng Police Station 1, na aabot sa 458 ngayong araw.

Una nang sinabi ni Domagoso na maaaring gamitin laban sa mga magulang ng mga bata ang Ordinance 8243.

Maaaring humarap sa P2,000 multa at isang buwang kulong hanggang P5,000 multa hanggang anim na buwang kulong ang parusa sa mga nasabing magulang, depende sa edad ng mga bata.

Ayon pa kay Domagoso, ginawa ito ng kanilang pamahalaang lungsod kasabay ng lumalalang bilang ng "breach of peace and order" na kinasasangkutan ng mga kabataan.

Show comments