MANILA, Philippines – Dalawang pasahero ang nagtamo ng sugat bunga ng nabasag na bintana ng isang bagon ng Light Rail Transit 1 nang pilit buksan ng isang pasahero dahil umano sa init, habang nasa United Nations (UN) Station southbound, sa Taft Avenue, Maynila.
Hindi na naospital ang isang babae at lalaking hindi na pinangalanan na nagtamo ng sugat sa ulo dahil minor injuries lamang naman na agad nilapatan ng lunas ng mga naka-antabay sa LRT station na Philippine Red Cross volunteers.
Isang menor de edad na lalaki naman ang sinasabing nainitan sa kabila ng may air condition naman ang bagon, na nagbukas ng bintana subalit nabasag ito tumama sa dalawang pasahero dakong ala-1:50 ng hapon kahapon (Set. 18).
Posibleng dahil sa pressure at lakas ng hangin sa labas kaya nabasag ang bintana, ayon sa tagapagsalita ng LRT 1 na si Sweeden Ramirez.
Pansamantalang naantala ang biyahe dahil sa insidente.