P200K pabuya sa magtuturo sa nagtapon ng mga patay na baboy sa ilog

Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro, bagama’t may lead na, mga larawan at impormasyon, ang lokal na pamahalaan, hinggil sa insidente, ay wala pa umano silang mga testigo na makapagbibigay ng detalyadong impormasyon kung sino ang may kagagawan nang pagtatapon ng mga patay na baboy sa ilog.
File

MANILA, Philippines — Bibigyan ng halagang P200,000 pabuya ng Marikina City government ang sinumang makapagbibigay ng karagdagang impormasyon hinggil sa mga taong nasa likod nang pagtatapon ng 58 patay na baboy sa Marikina River.

Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro, bagama’t may lead na, mga larawan at impormasyon, ang lokal na pamahalaan, hinggil sa insidente, ay wala pa umano silang mga testigo na makapagbibigay ng detalyadong impormasyon kung sino ang may kagagawan nang pagtatapon ng mga patay na baboy sa ilog.

Ang naturang halaga aniya ay magmumula sa kanyang sariling bulsa.

“Magbibigay ako ng P200,000 sa kung sino man ang makakapagbigay ng impormasyon sa culprit ng pagtapon ng 58 na mga baboy sa Marikina River,” anang alkalde. “Kailangan conclusively dapat iyong info. Iyong sa mismong magkakapagturo nang gumawa ng pagtatapon.”

“Personal kong pera iyang iniaalok ko. Ito ay inaalok ko para makatulong sa pagtukoy ng kung sino man ang nagtapon ng mga baboy,” aniya pa.

Anang alkalde, ang kanilang mga nakalap na lead ay naipaabot na nila sa Department of Agriculture (DA), ngunit naghahanap pa sila ng karagdagang impormasyon hinggil dito.

Una nang sinabi ng alkalde na nais nilang mapanagot ang mga taong nasa likod ng insidente, at tiniyak na sasampahan nila ng mga kasong kriminal at sibil ang mga ito dahil sa perwisyong idinulot sa kanila.

Matatandaang ipinagbawal na rin ni Teodoro ang pangingisda at maging ang paliligo sa ilog hangga’t wala pang katiyakan kung ligtas na ang tubig doon.

Show comments