‘Galamay’ ng drug lord sa Bilibid, bulagta sa buy-bust
P27 milyong shabu nakumpiska
MANILA, Philippines — Bulagta ang isang drug suspect na sinasabing ‘galamay’ ng isang drug lord na nakapiit sa New Bilibid Prisons (NBP) matapos makipagpalitan ng putok sa mga otoridad na nagresulta sa pagkakakumpiska ng nasa apat na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng higit sa P27-milyon sa isinagawang buy-bust operation kahapon ng madaling araw sa lungsod ng Quezon.
Ang napatay na suspek ay si Edgardo Alfonso, nasa hustong gulang at residente ng Brgy Tramo, Pasig City.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-5:15 ng madaling araw nang ikasa ang operasyon laban sa suspek sa isang gasolinahan sa P. Tuazon Ave., corner 18th Avenue, sa Brgy San Roque.
Habang nasa kalagitnaan ng transaksyon ay nakahalata umano ang suspek na pulis ang kanyang ka-deal kaya’t nanlaban at agad na pinutukan ang undercover cop.
Dito ay nagkaroon pa ng habulan habang patuloy ang palitan ng putok kung saan tumakbo ang suspek patungo sa 18th St. at nang makarating sa Del Pilar St., ay napuruhan na ito na nagresulta sa agarang pagkamatay.
Nabatid na ang suspek ay kabilang sa mga target sa intensibong anti-illegal drugs operation sa ilalim ng NCRPO Case Operational Plan matapos na matukoy na miyembro ito ng isang syndicated criminal gang na nag-o-operate ng illegal drug trade sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO chief P/Major Gen. Guillermo Eleazar, ang napatay na suspek ay tauhan umano ng isang drug lord na nakakulong sa NBP.
Hindi naman muna pinangalanan ni Eleazar ang grupong kinabibilangan ng suspek dahil may ikinakasa pa umanong follow-up operation.
Narekober ng mga awtoridad mula sa suspek ang apat na piraso ng transparent zip lock plastic bags na naglalaman ng tinatayang na may apat na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P27.2 milyon, 15 bundles ng P1,000 at boodle money o katumbas ng P1.5 milyon na ginamit sa transaksiyon, isang caliber .45 pistol at assembly magazine nito at mga basyo ng bala.
- Latest