Pulis, 6 pa huli sa drug-bust
MANILA, Philippines — Nalambat ng mga tauhan ng Taguig City Police ang pitong drug suspek kabilang ang isang aktibong pulis ng Camp Crame at misis nito sa ginawang buy-bust operation sa isang drug infested area sa lungsod kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni National Capitan Region Police Office (NCRPO) Chief Maj. Gen Guillermo Eleazar ang mga naaresto na sina P/Chief Master Sgt. Rahid Sanguan, nakatalaga sa Police Security Protection Group (PSPG) sa Camp Crame ng Uper Bicutan, Taguig City; misis nitong si Normina Sanguan; Alfonso Obejas; Ernie Legaspi; Joseph Denjuan; Ronnie Mark Sueno at Nagrodin Ayob.
Sa ulat ni Taguig City Police chief Col. Alexander Santos, isinagawa ang operasyon dakong alas-6:15 kamakalawa ng gabi sa VP Cruz St., Brgy. Lower Bicutan, ng naturang lungsod.
Ito ay makaraang makatanggap ng impormasyon at makumpirma ng Station Drug Enforcement Unit ang pagkakasangkot ng isang pulis sa nagaganap na pagtutulak ng droga sa naturang lugar.
Nagawang makabili ng ilegal na droga ng isang pulis na nagpanggap na buyer sa halagang P500 na marked money. Nang maisagawa ang bentahan, dito na sumulpot ang mga armadong pulis kaya hindi na nakapalag pa ang mga suspek.
Nakumpiska ng mga pulis mula sa pitong suspek ang anim na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na humigit kumulang na nasa 4 na gramo at may street value ay nasa P27, 200; isang plastic sachet na naglalaman ng marijuana na nasa 17 gramo; isang cellular phone at ang P500 buy-bust money.
Nabatid na naging pulis si Sanguan noong 1999 at halos may 20 taon na sa serbisyo. Dati rin siyang naitalaga sa Manila Police District bago nailipit sa NCRPO at sa Camp Crame.
Nakaditine ngayon sa Taguig City Police Detention Center ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Acy 9165 o Comprehensive Dangerous drug act of 2002 sa Taguig Prosecutor’s Office.
- Latest