Quarantine checkpoint sa Marikina iniutos

Inikot ng mga tauhan ng Marikina 161 Rescue Z Team kasama ang Animal Qua­rantine team gamit ang rescue boat ang kahabaan ng Marikina River para tuntunin kung saan galing ang mga patay na baboy na lumutang dito.
Kuha ni Boy Santos

Umabot na sa 55 patay na baboy ang itinapon sa ilog

MANILA, Philippines – Ipinag-utos na kahapon ni Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro ang qua­rantine checkpoint habang determinado rin itong papanagutin ang mga taong responsable sa natagpuang lumulutang na mga patay na baboy  na nagdulot ng polusyon sa  Marikina River.

Hanggang kahapon,  uma­abot na sa 55 ang patay na baboy na nakitang lumulutang sa Marikina River.

Samantalang ipinag-utos na rin ni Teodoro  na hanapin kung sino ang mga responsable sa itinapon na mga patay na baboy sa Marikina  City River.  

“Para hindi na maulit, dapat ay may managot. Dapat may proper disposal. Hindi puwedeng walang mananagot. May proper disposal na dapat sundin para walang possible contamination,” pahayag ni Teodoro.

 Sinabi ni Teodoro na ipinag-utos niya ang quarantine checkpoint sa Marikina upang mapigilan ang pagkalat ng sakit ng baboy mula sa mga apektadong probinsiya at ipinagbawal na rin muna ang mga aktibidad tulad ng pangi­ngisda sa  Marikina River.

 Kaugnay nito, ipinag-utos na ng Marikina City Veterinary Services Office (VSO) na ku­nin ang nasabing mga baboy sa payo na rin ng Department of Agriculture at ilibing ito sa lalim na sampung talampakan upang maiwasan ang pagkalat ng  hinihinalang African Swine Flu (ASF) na epidemya sa industriya ng babuyan.

 Sinabi ni Teodoro na walang  piggery at maging slaughterhouse sa lungsod ng Marikina.

Ayon naman kay Dr. Manuel Carlos, Veterinary Service Office ng lungsod, nakipagkoordinasyon na sila sa Bureau of Animal Industry (BAI) upang kunan ng sample ng dugo ang mga  baboy upang masuri kung namatay ito sanhi ng ASF.

 Nabatid  na ilang netizen ang nagpadala ng mga larawan na inilibing sa mababaw na hukay ang baboy at dahil na rin sa mga malalakas na pag-ulan kaya posibleng  naanod ito sa Marikina River.

“We are checking if may river contamination. We are checking the water quali­ty para mapangalagaan ang well-being ng Marikina residents.

Ang katawan ng hayop ay nagiging breeding ground ng bacteria or virus, maraming klaseng sakit ang puwedeng makuha in case ma-contaminate ang water. Kaya kinukuha natin agad ang mga patay na baboy ay para hindi na kumalat ang mga sakit,” ang sabi pa ni Dr. Carlos.

Show comments