Rebulto ni Ninoy sa Quezon City, ililipat ng lugar

Ang rebulto ni dating Sen. Benigno ‘Ninoy’ Aquino na nakatakdang ilipat sa ibang lugar ng pamahalaang lungsod ng Quezon.
Kuha ni Michael Varcas

MANILA, Philippines – Tuluyan nang tinanggal ng Quezon City government ang rebulto ni dating Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino na nakatayo sa Delta kanto ng Timog at Quezon Avenue sa lungsod.

Ito ay kasunod sa nagpapatuloy na paglilinis ng lokal na pamahalaan sa lahat ng obstruction o sagabal sa daan para ibalik muli ito sa publiko.

Una nang tinamaan ng clearing operation ang rebulto ni Ninoy  na itinayo sa naturang lugar  bilang pag-alala sa namatay na dating senador.

Ayon kay Atty. Ariel Inton, hepe ng  QC Task Force for Transport and Traffic Management, malaking bahagi ng daan ang sinakop ng rebulto kaya’t minabuting mailipat na lamang ito sa ibang lugar.

Anya, nakipag-pulong na rin si QC Mayor Joy Belmonte sa pamilyang Aquino partikular na kay dating Pangulong Noynoy Aquino at mga kapatid nito patungkol sa paglilipat sa mas perpekto at di nakaka-abalang lugar, ang bantayog ng ama.

Sa dalawang magkaibang lugar nais ni dating Pangulong Noynoy at Kris na paglilipatan ng rebulto ng kanilang ama.

Sabi ni Atty Inton, gusto ni dating Pangulong Aquino  na ilagay ang rebulto ng ama sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife samantalang sa dating Manila Seedling Bank sa Edsa Quezon Avenue ang  gusto ni Kris.

Umabot ng tatlong oras bago tuluyang natanggal ang rebulto. Sa ngayon ay pansamantala munang mananatili sa Quezon City Museum X na nasa loob ng Quezon Memorial Circle ang rebulto habang hindi pa pinal kung saan talaga ito ilalagay.

Show comments