Pagbebenta ng solvent, ibabawal sa Maynila
MANILA, Philippines – Ipagbabawal na ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagbebenta ng solvent na ginagamit ng mga batang hamog at palaboy sa mga lansangan sa mga dis oras ng gabi.
Ayon kay Moreno, kailangan na umanong mawala ang ‘source’ o pinanggagalingan ng solvent kabilang na ang mga hardware kung saan ang bilis makabili ng isang ordinaryong tao.
Aniya, kakasuhan ang mga tindahan, maging medical o hardware na patuloy na nagbebenta ng solvent.
Ang aksyon ay ginawa ni Moreno bunsod na rin sa pagkakasagip sa mga solvent boys sa isinagawang operasyon ng Manila Police.
Kasabay din ito ng panawagan ni Moreno sa mga magulang na huwag hayaang gumala sa lansangan ang kanilang mga anak lalo na nga’t mahigpit na ipinatutupad ang City Ordinance No. 8547 o curfew sa mga menor de edad.
Dahil sa hindi sakop ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Act of 2001 ang solvents, naniniwala ang mayor na maaari naman silang gumawa ng batas para dito.
Matindi umano ang epekto ng mga sinisinghot na solvent sa utak ng gumagamit nito kaya’t dapat na pagtuunan ng pansin ng city government na hindi maibenta ito sa publiko.
- Latest