MANILA, Philippines – Dalawang barangay hall na nakatayo sa bangketa at kalsada ang giniba kaugnay sa pagpapatuloy ng isinagawang clearing operations sa Caloocan City kahapon.
Pinangunahan ni Mayor Oscar Malapitan, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim at General Manager Jojo Garcia ang paggiba sa barangay halls ng Barangay 103 at 104.
“Sisiguraduhin natin na lahat, kasama ang mga apektadong barangay halls ay tatanggalin bago ang 60-day deadline ng DILG,” pangako ni Malapitan kaugnay ng itinakdang palugit sa lahat ng pamahalaang lokal na matanggal lahat ng obstruksyon sa kalsada.
Sa ulat na inilabas ng Pamahalaang Lungsod, sa kasalukuyan ay 100% na umanong nadaanan ng ‘Task Force Alis Sagabal’ ang mga pangunahing kalsada sa lungsod.
Ngunit inirereklamo naman ng mga residente partikular na sa social media account ni Malapitan ang mga secondary roads na hindi naman napagtutuunan ng pansin at marami pa ring mga pasaway.
Bukod sa patuloy na pagbabaklas ng mga nakakasagabal, ilang trucks din ang pinaiikot upang mahakot ang mga debris mula sa isinagawang clearing operations sa mga barangay at mga pangunahing kalsada.