AWOL na pulis na ‘tulak’ ng droga, arestado
MANILA, Philippines — Isang AWOL (Absent Without Official Leave) na pulis na luminya sa pagtutulak ng iligal na droga sa bisinidad ng New Bilibid Prisons (NBP) ang nalambat ng mga intelligence operatives ng National Capital Regional Police Office sa isang operasyon sa Muntinlupa City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni NCRPO Director P/Maj. Gen Guillermo Eleazar ang nadakip na si Victor Bustamante Jr., isang dating Patrolman, 37, may-asawa at nakatira sa Brgy. Poblacion, Camp Sampaguita, National Bilibid Prison (NBP) Reservation, Muntinlupa City.
Sa ulat ng pulisya, alas-2:45 ng hapon nang ikasa ang operasyon sa Brgy. Poblacion, ng nabanggit na lungsod sa tabi lamang ng Minimum Security Compound ng NBP. Katuwang ng NCRPO ang Muntinlupa City Police at Philippine Drug Enforcement Agency-NCR sa isinagawang operasyon.
Nagawang makabili ng isang undercover agent ng limang gramo ng shabu na nakalagay sa dalawang plastic sachet sa suspek na nagkakahalaga ng P68,000 kapalit ng P10,000 marked money. Hindi na nakapalag ang suspek nang sumulpot ang mga operatiba kung saan ito inaresto.
Bukod sa iligal na droga, nakumpiska pa kay Bustamante ang dalawang magazine para sa 9mm na baril, isang PNP ID, isang cellular phone na gamit niya sa pakikipagtransaksyon at isang sling bag.
Sa rekord, na-recruit sa PNP si Bustamante bilang Police Officer 1 noong 2011 at nakatalaga sa Southern Police District. Sa loob ng walong taon, hindi na-promote si Bustamante dahil sa mga kasong kinasangkutan hanggang sa mag-AWOL noong 2019.
Sa intelligence gathering ng pulisya, natukoy siya na isa sa nagtutulak ng iligal na droga sa bisinidad ng Bilibid na target ng surveillance ng PNP.
Pero iginiit ni Eleazar na hindi na miyembro ng PNP si Bustamante nang mahuli.
Nahaharap ngayon si Bustamante sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Muntinlupa City Prosecutor’s Office.
- Latest