4 na pinalayang Chinese drug lords, pinigil ang deportation
MANILA, Philippines — Pinigil ng Bureau of Immigration ang pagpapa-deport sa apat na Chinese drug lords na napalaya sa Bilibid base sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Ang mga pinigil ang deportation ay sina Chan Chit Yue, Kin San Ho, Ching Che at Wu Hing Sum, ayon sa BI.
Ito ay matapos nga na ipag-utos ni DOJ Secretary Menardo Guevarra na i-hold ang deportation habang nagsasagawa ng rebyu sa rules at guidelines sa RA 10592, ang batas na may kinalaman sa GCTA.
Kahapon naman ay iginiit ng Malacañang na dapat ibalik sa kulungan ang mga convict na sangkot sa mga heinous crime na napalaya dahil sa GCTA.
Ang apat na Chinese ay kasalukuyang nasa BI Warden Facility sa Camp Crame habang naghihintay ng kanilang deportation.
Buwan pa ng Hunyo sinasabing napalaya ang apat na drug lords sa Bilibid.
Lumikha ng kontrobersiya ang GCTA ng mga bilanggo nang makabilang si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez sa mapapalaya dahil dito.
Ito ay sa kabila ng bigat ng kaso na kinasangkutan nito na itinuturing isang heinous crime.
- Latest