MANILA, Philippines – Upang makatulong na maibsan ang malalang daloy ng trapiko, nagdeploy ng karagdagang mga tauhan ang PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa kahabaan ng EDSA.
Sinabi ni PNP-HPG Director P/Brig. Gen. Eliseo Cruz, aabot na sa 171 HPG traffic enforcers ang nakadeploy sa EDSA matapos na magdagdag pa sila ng 62 tauhan.
“Actually di naman ito balik-EDSA, hindi naman umalis ang HPG sa EDSA, mina-maximize lang natin yung presence ng HPG personnels or patrollers sa EDSA. They are supposed to be patrolling the highways, they are not authorized to be assigned here in the headquarters,” ani Cruz.
Sinabi ni Cruz na nagdagdag lang sila ng puwersa sa EDSA para paigtingin pa ang presensya sa naturang pangunahing highway para makatulong sa pagpigil ng krimen, makahuli ng mga kinarnap na behikulo, hulihin din ang mga pasaway sa trapiko, mapigilan ang highway robbery at hijacking.
Ayon kay Cruz, bukod sa mga PNP-HPG traffic enforcers na ipinakalat sa EDSA ay mayroon ding 20 patrol cars, 36 motorcycle riders na magbabantay dito mula alas -5 ng umaga hanggang ala-1 ng madaling araw kinabukasan.
Inihayag ng opisyal na may nakadeploy ding mga PNP-HPG personnels sa ibang mga pangunahing highway sa Metro Manila pero ang pokus ng kanilang pagpapatrulya ay sa EDSA na buhol-buhol ang daloy ng trapiko.
Sinabi nito na kailangan 95 % ng mga PNP-HPG personnels ay nasa highways para mangasiwa sa daloy ng trapiko.
“Yun ang trabaho naming magpakita ng kalsada anytime of the day,” ani Cruz na sinabi pang mahigpit nilang imomonitor ang mga traffic enforcers na magdadaya ng oras at hindi poposte sa kanilang duty.