MANILA, Philippines – Kalaboso ang isang pulis na nakuhanan ng CCTV na nambubugbog ng isang traffic enforcer sa Tondo, Maynila.
Makikita sa inilabas na CCTV na pinahinto ng traffic enforcer sa Juan Luna St. ang isang truck.
Makalipas ang ilang segundo ay huminto rin ang isang pick-up sa harap nito sakay ang isang pulis na nagreklamo dahil nakahambalang ang truck.
Sa video, makikitang pinagduduro ni P/Cpl. Aries Flores si MTPB Enforcer Raymond Buaron at saka pinagsusuntok at pinagtatadyakan.
Ayon kay Buaron, sinita siya ni Flores dahil sa pagkakahambalang ng truck na kanyang sinita. Sinabihan din ng pulis na huwag na itong makialam dahil ginagawa niya lang ang kanyang trabaho.
Nakorner si Flores ng mga kapwa niya pulis at nanindigan siya na tama ang kanyang ginawa lalo’t nagmamadali siya.
Ngunit ayon kay Manila Police Director Vicente Danao Jr., hindi tama na kuwestiyunin ni Flores ang pagsita ni Buaron sa truck lalo na kung may violation.
Sinabi ni Danao na inaalam nila kung escort ng truck ang pulis kaya nagalit ito nang sinita ng enforcer.