SAF commander, patay sa tauhan
Sa loob mismo ng kampo sa Taguig
MANILA, Philippines – Patay ang isang opisyal ng PNP-Special Action Force (SAF) makaraang barilin ng kanyang tauhan sa gitna ng kanilang pagtatalo sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City, kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang nasawi na si P/Maj Emerson Palomares, 30, commanding officer ng 125 SAC, SAF Camp Bagong Diwa.
Nadakip naman ang suspek na tauhan na si P/MSgt. Sanwright Lobhoy, 41, tauhan ni Palomares.
Sa ulat ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), naganap ang insidente dakong alas-4:40 ng hapon sa loob ng opisina mismo ni Palomares.
Nabatid na nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan nina Palomares at Lobhoy hanggang sa bumunot ng baril ang huli at paputukan ang kanyang opisyal.
Sinisilip ang anggulong selos sa insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon posible umanong nagselos si Lobhoy sa kanyang commander nang malamang tinawagan ng kanyang misis ang nasawing police major.
Tumawag naman ang misis kay Palomares nang hindi makontak ang mister at itanong kung nasaan ito. Nakita ni Lobhoy sa call registry ng cellphone ng misis na pinaniniwalaang ugat sa selos.
Isinugod sa Parañaque Doctors Hospital si Palomares ngunit nalagutan ng buhay dakong alas-5:23 ng hapon sa naturang pagamutan.
Dinakip naman ng mga kasamahang pulis si Lobhoy na isinasailalim na imbestigasyon habang nahaharap din siya sa kasong murder.
- Latest