MANILA, Philippines – Bulilyaso ang modus ng isang lalaki na “palit-pera” nang dakpin ng mismong pulis na kanyang biniktima sa Sta. Mesa, Maynila.
Mismong si P/Capt.Pidencio Saballo ang umaresto sa suspek na si Renando Esteban Santos, 49 , ng Unang Hakbang, Galas Quezon City sa kanyang bahay dakong alas-9 kagabi matapos matunton sa pamamagitan ng pinagdugtong-dugtong na kuha ng CCTV ng barangay.
Nauna rito, bumili ng dalawang mango shake ang suspek sa Mr. Mango Altura branch sa Sta. Mesa at nagbayad ng P1000.
Maya-maya at agad pinakansel ang kanyang order kaya ibinalik naman sa kanya ang ibinayad na P1K.
Gayunman, sa bilis ng kamay sa pagpapalit ng pera, agad niyang napalitan ang 1,000 ng 100 at sinabi sa cashier na yun lamang ang naibalik sa kanya.
Wala namang nagawa ang cashier at muling binigyan ng P1k ang suspek na noon ay napabili uli ng mango shake saka umalis lulan ng kanyang motorsiklo.
Lingid sa kaalaman ng suspek, ang pulis na si Saballo pala ang may-ari ng Mr. Mango Altura kaya agad na inalam ang pagkakilanlan ng suspek sa pamamagitan ng kuha ng CCTV.
Inamin din ng suspek na ginaya lamang niya ang naturang modus sa mga napapanood niyang video sa internet kung saan umabot nsa 18 tindahan ang kanyang nabiktima.
Dinala ni Sabillo ang suspek sa Labores PCP at sinampahan ng kasong estafa.
Ang “palit-pera” modus ay sinasabing isa ring uri ng Budol-Budol at switching.