MANILA, Philippines — Pinangunahan kahapon nina Quezon City Mayor Joy Belmonte at Vice Mayor Gian Sotto ang isinagawang wreath-laying ceremony bilang paggunita sa ika-141 kaarawan ni dating President Manuel L. Quezon sa harap ng kanyang puntod sa Quezon Memorial Circle.
Tumayong special guest of honor sa okasyon si Israeli Ambassador to the Philippines Rafael Harpaz.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Harpaz ang Pilipinas lalo na si dating Pangulong Quezon.
Sinabi ni Ambassador Harpaz na hindi makakalimutan ng mga Israeli ang ginawang pagkupkop ng Pilipinas sa 1,200 Jewish refugees sa kasagsagan ng European Holocaust noong 1941 hanggang 1945.
Batay sa kasaysayan, hinangaan noon si Pangulong Quezon maging ng ibang mga bansa dahil sa kanyang pagkupkop sa mga hudyo na tumakas sa kanilang bansa dahil sa pagpatay ng kinatatakutan noon na Nazi.
Makaraan ang talumpati ay nag-alay ng bulaklak si Harpaz sa bantayog ni Quezon.
Samantala, sinabi ni Belmonte sa kanyang talumpati na unang taon niya nang panunungkulan bilang alkalde ay magiging hudyat para ituloy ang iba pang magagagandang plano ni Pangulong Quezon na hindi pa nagagawa sa bansa.
Nagkaroon din ng free movie screening sa Trinoma bilang bahagi ng selebrasyon ng QC day.