Pusher timbog sa Taguig
P.3-M shabu nakumpiska
MANILA, Philippines — Timbog sa mga otoridad ang isang sinasabing kilabot na ‘tulak’ ng droga matapos makumpiskahan ng nasa P340,000.00 halaga ng droga sa isinagawang anti-drug operation sa Taguig City, kamakalawa.
Ang suspek ay si Alfredo Roque Riñoza, alyas “Balong”, 31, binata, at nakatira sa No. 2456 Bayani Street, Sta. Ana, Maynila.
Dinakma ang suspek sa may Taguig Lakeshore sa C6 Road, Brgy. Old Lower Bicutan nang magbenta ng isang plastic sachet na may lamang 20 gramo ng shabu na may street value na P50,000 sa isang pulis na tumayong buyer.
Nagtangka pa umanong mang-agaw ng baril si Riñoza ngunit naging maagap ang mga pulis at napagtulungan siya dahilan para magtamo ang suspek ng mga pasa at galos sa katawan.
Aabot sa kabuuang 50 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P340,000.00 ang nakumpiska ng mga pulis mula sa suspek.
Sa imbestigasyon, kunektado umano si Riñoza sa “Macmac Borating Drug Group” na nagpapakalat ng iligal na droga sa Pasig City at katabing lugar. Kadikit din ni Riñoza ang high value target sa Maynila na si Crispulo Moreno, alyas “Jekjek Moreno” na bukod sa iligal na droga ay sangkot din sa kidnap for ransom at robbery hold-up. Napaslang si Moreno noong Nobyembre 14, 2018 nang makipagbarilan sa mga pulis.
- Latest