MANILA, Philippines — Idineklarang ‘UP day of Walkout and Action’ ng UP student regent John Isaac Punzalan ang darating na August 20, araw ng Martes bilang pagtuligsa sa planong pagsasagawa ng malawakang pag-iimbestiga at monitoring sa mga mag-aaral ng University of the Philippines (UP), faculty at mga opisyal ng paaralan.
Ayon kay Punzalan, walang puwang ang mga pulis na magkaroon ng access sa mga campus ng UP.
“Our university is currently a target of police and military intrusion. Across campuses, the collective dissent of the members of the UP community is strongly felt as our campaign intensifies to defend our university from attacks.” nakasaad sa ipinalabas na memorandum ni Punzalan sa UP community.
Nagkaroon ng plano ang mga pulis na pasukin ang UP campuses dahil sa ulat na karamihan sa mga mag-aaral ng paaralan ay nire-recruit ng rebeldeng NPA para maging miyembro nito.
Ilan ding mga magulang ang unang nagbunyag sa Senado na nakidnap ang kanilang mga anak at na-recruit ng rebeldeng komunistang grupo. May ilan ding nagsasabi na sila ay mag-aaral sa araw at NPA sa gabi.
Sinasabing may kasunduan noong 1982 sina dating UP student leader Sonia Soto at noo’y Defense Minister Juan Ponce Enrile na hindi maaaring makapasok ang mga elemento ng pulis at sundalo sa UP campus ng walang permiso ng pamantasan.