Matapos gumamit ng pambabaeng cr
MANILA, Philippines — Isang transgender woman ang pinosasan at ikinulong ng pulisya matapos na makakomprontasyon ang isang janitress dahil sa paggamit ng una ng pambabaeng comfort room sa isang mall sa Quezon City.
Bagama’t pinalaya rin matapos na iurong ang kasong unjust vexation complaint laban dito, sinabi ni Gretchen Custodio Diez, 28, na siya ang magsasampa ng laban sa Farmers Plaza mall na nasa Araneta Center sa Cubao sa nabanggit na lungsod.
Si Diez, isang human resource director ng isang call center company ay pinagbawalan umano ng janitress na si Chayra Ganal na gumamit ng pambabaeng CR.
“I will still fight for what is right ‘yung violation against sa city ordinance sa Quezon City. Papatunayan natin sa lahat na may pangil ang batas na may karapatan po tayo na gamitin at magkaroon ng access sa pampublikong lugar,” pahayag ni Diez.
Sinabi pa ni Diez na nang tanungin niya ang janitress kung bakit siya bawal gumamit ng female CR ay sinimulan niyang i-record ang ginagawa sa kanyang harassment, dito nagalit ang janitress kung saan hinila siya sa security office at makailang ulit umanong tinapik ang kanyang cellphone na nagre-record sa pangyayari.
Hindi nagtagal pinosasan na siya at dinala sa police station.
Samantala, humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng mall kasabay nang pagsasabing hindi nila inaasahan ang inasal ng kanilang tauhan.
Idinagdag pa nila na gumagawa na sila ng paraan na ipaalam sa mga empleyado ang tamang pagtrato sa mga kostumer.