MANILA, Philippines — Ditretso sa kulungan ang isang Fil-American na ginang na nag-viral sa social media dahil sa walang patumanggang pagsigaw, pagmumura at pananampal sa isang pulis sa Las Piñas City noong nakaraang Lunes.
Nahaharap ngayon sa patung-patong na kasong direct assault, disobedience to a person in authority, oral defamation at alarm and scandal ang suspek na si Cheryl Hawkins Bautista, isang US citizen at nakatira sa Bacoor City, Cavite.
Sa ulat ng Las Piñas City Police, rumesponde ang kanilang mga tauhan kabilang si Tourist Police Patrolman John Rudolf Adapon at PCpl Wency Gascon sa isang restoran sa may Daang Hari Road, noong Lunes ng umaga dahil sa report na pagwawala ng isang ginang.
Hindi daw kasi tinanggap ng restoran ang kanyang credit card sa pagbabayad nila ng kanilang nakain kaya nagwala at pinagmumura ang mga staff ng restoran.
Nang datnan ng mga pulis, labis ang pagwawala pa rin ni Bautista at pinagdiskitahan na ang umaawat na mga pulis. Sa parking lot, kita sa video ang ginagawang pagsigaw, panduduro, pagmumura ni Bautista sa pulis hanggang sa manampal siya.
Dito na nagpasya ang mga pulis na posasan si Bautista, basahan ng Miranda rights at idiretso sa himpilan. Ngunit habang patungo sa istasyon, patuloy pa rin sa pagsisigaw ang ginang sa mga pulis na hindi na umiimik.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Las Piñas City Police chief, PCol. Simnar Gran na nakainom ang ginang nang maganap ang kanyang pagwawala.