MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang dalawang miyembro ng Batang City Jail (BCJ) habang ang isa pa ay malubhang nasugatan nang pagbabarilin sa kanilang barung-barong sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawing sina Herwin Tribidino, 19, ng Baseco Compound, Port Area, Manila; at Allan Bautista, alyas Buboy, 19, ng Temporary Housing, Aroma Compound, Tondo.
Nilalapatan ng lunas sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, (GABMMC) ang 18 na si Reynaldo Delposo, ng Block 11, Brgy. 649, Baseco Compound, Port Area dahil sa tama ng bala sa likod.
Sa ulat ni P/Master Sergeant Jansen Rey San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-4:00 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa mga biktima sa isang barung -barong sa Bldg.15 Temporary Housing, sa Aroma Compound.
Sa imbestigasyon, natutulog ang mga biktima nang may kumatok kung saan nagising si Bautista na siyang nagbukas ng pinto pero agad siyang pinaputukan ng suspect na nakamaskara. Tinadtad din ng bala si Tribidino.
Matapos matiyak na patay na ang target ay mabilis na tumakas ang salarin.
Isang lalaki rin na sinasabing look-out sa labas ng barung-barong ang naglaho rin matapos ang pamamaril.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso para alamin ang motibo sa krimen at kung sino ang posibleng may gawa.