Binata nagulungan ng bus, hati ang katawan

MANILA, Philippines — Nakapanghihilakbot ang malagim na kamatayan na sinapit ng isang binata matapos salpukin at magulungan ng isang pampasaherong bus ay nahati pa ang katawan nito naganap kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Ang biktima ay kinilalang si Richel Villanueva Salvador, 36-anyos, empleyado ng isang telecom company, at residente ng Phase Ext., Poblacion Wao, Lanao Del Sur.

Kusa namang sumuko sa mga otoridad ang driver ng E&E Royal Couple Bus (ACZ-2808) na si Charlton Gamale Ranario, 51-anyos, may asawa, at nakatira sa Phase 9 Package 3C Blk 31, Lot 12 Maharlika Bagong Silang, Caloocan City.

Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, ang aksidente ay naganap dakong alas-2:00 ng madaling araw sa Commonwealth Ave., Quezon City.

Nag-aabang umano ng masasakyan ang biktima sa tapat ng isang kilalang food chain sa south bound lane sa kahabaan ng Commonwealth Ave. sa Brgy. West Fairview, nang araruhin ng rumaragasang bus na minamaneho ni Ranario.

Nakaladkad ang biktima at nagulungan pa na nagresulta sa malagim na kamatayan kung saan nahati ang katawan nito,

Nakapiit ngayon ang driver na si Ranario sa QCPD Traffic Sector 5 habang inihahanda ang kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Show comments