MANILA, Philippines — Masusing iniimbestigahan ngayon ng Makati City Police ang sinasabing pagtalon ng isang Japanese national buhat sa ika-28 palapag ng tinutuluyan nitong gusali sa naturang lungsod nitong gabi ng Miyerkules na nagresulta ng malubhang pinsala sa biktima.
Nakaratay ngayon at inoobserbahan ng mga manggagamot sa Makati City Medical Center ang kundisyon ng 39-anyos na si Anri Saito, nanunuluyan sa Mosiac Building na nasa kanto ng Trassierra at Aguirre Street sa Legaspi Village, Brgy. San Lorenzo, Makati City.
Sa ulat, alas-8:55 ng gabi nang maganap ang insidente sa naturang gusali. Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Makati City Rescue unit at isinugod sa naturang pagamutan ang biktima.
Sa salaysay ng roommate ng biktima na si Rado Omari, 45, isa ring Japanese national, dumaranas umano ng depresyon si Saito dahil sa naunang pagkamatay ng mister niya. Bigla umanong tumalon sa kanilang unit sa ika-28 palapag ang biktima at bumagsak sa ika-24 na palapag.
Nabatid pa na nag-check-in sa naturang unit sina Saito at Omari nitong Agosto 3 at nakatakda sanang mag-check-out ngayong Agosto 9.
Sa kabila nito, inilagay pa rin ng Makati Police na ‘person on interest’ si Omari habang nagsasagawa ng mas masusing imbestigasyon sa insidente.