Bagitong pulis, angkas dedo sa gutter
MANILA, Philippines — Patay ang isang bagitong parak na rider at angkas nito matapos sumemplang sa minamanehong motorsiklo nang mawalan ng kontrol sa manibela makaraang bumangga ang gulong nito sa gutter naganap kamakalawa ng gabi sa Brgy. Pinagbuhatan, lungsod ng Pasig.
Ang mga nasawing biktima ay kinilalang sina Patrolman Jhon Vincent Villareal, 28, nakatalaga sa Station 9 ng Quezon City Police District (QCPD), at Venjie Bautista, 28.
Sa ulat ni Traffic Investigator P/MSgt Vicente Napoleon Dalagan ng Pasig City Police, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang aksidente sa Napindan Bridge, sa naturang barangay.
Sa salaysay ng testigong si Bernard Munar, bago ang aksidente ay minamaneho ni Villareal ang isang Honda ZBR motorcyle na may plakang 6125-OM at angkas si Bautista.
Mula umano ang mga biktima sa direksyon ng timog patungong hilagang silangan, nang pagsapit sa naturang lugar ay aksidenteng bumangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa konkretong gutter sanhi upang mawalan ng kontrol dito si Villareal.
Sa lakas ng impact ng aksidente ay tumilapon ang mga biktima sa sementadong kalsada na nagresulta sa kanilang kamatayan.
- Latest