Brgy. officials pinakikilos sa pagbaha sa Maynila

Ayon kay Moreno na ngayon ang tamang panahon upang lahat ng barangay ay magsagawa ng declogging na isa sa itinakda ng batas at may badyet dito ang bawat isa na daan-daang libo, na dapat ay hindi naman mapunta lamang sa bulsa ng mga tiwaling barangay official.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Kasabay  ng pagkilos ng lokal na  pamahalaan ng Maynila sa declogging upang mapahupa ang mga lugar na binaha kahapon, inatasan na rin ni Mayor Isko Moreno ang mga Punong Barangay na panahon ngayon na ipakita nila ang magagawa para hindi bahain ang kanilang nasasakupan.

Ayon kay  Moreno na  ngayon ang tamang panahon upang lahat ng barangay ay magsagawa ng declogging  na isa sa itinakda ng batas at may badyet dito ang bawat isa na daan-daang libo, na dapat ay hindi naman mapunta lamang sa bulsa ng mga tiwaling barangay official.

 “Kayong may halos 300,000 libong kawani ng pamahalaang siyudad na pinapasahod galing sa buwis ng mamayan ay dapat suklian ang inyong natatanggap ng salapi upang tunay na ipakita ang totoong paglilingkod sa pamamagitan ng pagsasagawa ng declogging operation sa mga tubig na baha sa inyong mga nasasakupan,”ani Moreno.

Dapat aniya, na magkusa ang mga opisyal ng barangay na kumilos at huwag nang iasa sa city hall ang lahat ng pagresolba sa mga problema sa kanilang nasasakupan.

Nabatid na kahapon ng hapon nang ideklarang passable na ang ilang kalye sa Maynila na binaha matapos magsagawa ng declogging ang Department of Engineering and Public Works (DEPW) kabilang ang TM Kalaw St.; P. Burgos corner Victoria Sts. Sa kabila lamang ng Manila City Hall; Finance Road corner Taft Avenue; sa Quirino Avenue corner Mataas na Lupa sa District 5.

Kabilang naman sa binaha rin ang Concha St, P. Ocampo cor Arellano sts. sa Altura market, España corner V. Cruz, Bambang st., Fugoso st., Quirino Avenue corner Anak Bayan st., Quirino corner Pedro Gil. Quirino corner Leveriza, Taft Avenue corner UN Avenue. Taft Avenue corner at Pedro Gil at Concha St.

Show comments