Sa provincial bus ban
MANILA, Philippines — Hihingin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang tulong ng Office of the Solicitor General (OSG) hinggil sa naging desisyon ng Quezon City Court na ipatigil ang implementasyon ng kontrobersiyal na provincial bus ban sa kahabaan ng EDSA.
Ayon sa LTFRB, susundin nila ang utos ng QC court pero hihingin nila ang tulong ng OSG para maikonsedera ng korte ang naging kautusan kaugnay ng bus ban.
Una nang inutos ng QC Court Branch 223 ang isang writ of preliminary injunction na nag-uutos na ihinto muna ang pagpapatupad sa provincial bus ban sa EDSA batay na rin sa naisampang petisyon ng mga operator ng bus sa korte hinggil dito.
Sinasabing nakita ng QC Court na walang basehan ang argumento ng LTFRB na ang provincial bus ang sanhi ng matinding traffic sa EDSA.
Ayon sa provincial bus operators, 3 percent lamang ang mga bus na pumapasok sa Metro Manila mula probinsiya kaya’t hindi sila ang ugat ng matinding traffic sa nabanggit na highway, bukod pa ang matinding hirap na mararanasan ng mga pasahero mula sa mga probinsiya oras na hindi papasukin ang provincial bus sa kalakhang Maynila.