MANILA, Philippines — Bagsak sa kalaboso ang isang bagitong parak at isang traffic enforcer makaraang masakote ng mga operatiba ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) matapos na ireklamo ng pangongotong sa entrapment operation sa lungsod ng Makati nitong Huwebes ng umaga.
Kinilala ni PNP-IMEG Director Romeo Caramat Jr. ang mga nasakoteng suspect na sina Pat. John Lagao Felix, nakatalaga sa Mobile Patroller sa Station 2 ng Makati City Police at Traffic Enforcer Jason Parcon.
Bandang alas -5:45 ng umaga nang isagawa ang entrapment operation sa dalawang suspect sa kahabaan ng Palm Avenue, Makati City.
Ang dalawa ay inaresto sa aktong tumatanggap ng P600 marked money mula sa complainant na si Mr. Silverio Samson, may-ari ng truck.
Sinabi ni Caramat na ang mga suspect ay inaresto matapos ang isang buwang surveillance operation kung saan nakunan ng video ang araw-ataw na paghingi ng mga suspect ng tig P100.00 sa mga truck driver na pumapasok sa Dasmariñas Village sa lungsod ng Makati.
Ayon kay Caramat, sa kabila ng kumpleto sa dokumento at may kaukulang permiso ang naturang mga truck na dumaraan para makapasok sa naturang subdivision.