MANILA, Philippines — Hinuli ng mga elemento ng QC Transport and Traffic Management ang isang driver ng pampasaherong jeep na putol ang braso habang nagmamaneho sa may elliptical road Quezon City kahapon ng umaga.
Ayon kay Atty Ariel Inton, hepe ng QCTTM, may lisensya ang driver na si Solito Magpusao, ng Janet Extention Tandang Sora Quezon City pero halatang peke ang lisensiya nito.
Sinabi ni Inton na hindi na niya pinagmaneho ng sasakyan si Magpusao dahil sobrang delikado ito para magpatakbo ng isang pampasaherong sasakyan.
Inirekomenda na niya si Magpusao sa Social Services Department ng QC hall upang mabigyan ng kaukulang trabaho na angkop sa kakayahan nito para mayroon pa ring ikabubuhay para sa pamilya.
Ayon kay Inton, habang impound ang sasakyang gamit ni Magpusao, hiniling niya sa Land Transportation Office (LTO) kung hindi peke ang drivers license ng driver at kung bakit siya naisyuhan ng lisensiya.
Hiniling din nito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipatawag ang operator ng jeep na minamaneho ni Magpusao upang magpaliwanag kung bakit niya pinayagang magmaneho ng jeep sa kabila ng kundisyon nito.
Si Magpusao ay isa lamang sa mga driver na nahuli ng mga elemento ng QC Traffic nang magsagawa ng operasyon kahapon ng umaga sa elliptical area at sa kahabaan ng East Avenue QC. Tinanggal at hinuli ng grupo ang mga nakaparadang sasakyan sa naturang mga lugar.
Ayon kay Inton, ang operasyon ay patuloy na gagawin bilang tugon sa utos ni QC Mayor Joy Belmonte na lisinin ang mga lansangan sa mga nakakasabagal dito batay na bahagi ng 60 days period na utos ng DILG na walisin ng mga LGUs ang lahat ng illegal structures sa kani-kanilang lokalidad.