Lima pang drug suspect timbog
MANILA, Philippines — Isang aktibong pulis ng Northern Police District (NPD) at isang sundalo at lima pang tao na sangkot sa droga ang nadakip sa magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City at Quezon City kahapon.
Iprinisinta sa mga mamamahayag ng National Capital Regional Police Office ang suspek na pulis na si P/Patrolman Jun Acosta, 42-anyos, at nakatalaga sa NPD-District Police Intelligence and Operations Units (DPIOU).
Nakilala ang kanyang mga kasamahan na sina Vanessa Bayani, alyas “Vane”, 28, ng Rivera Compound, Kaligayan, Novaliches, Quezon City; Marianne Salas, alyas “Madonna”, 34, at Randy Delos Santos, 37, kapwa nakatira sa No. 457 Dulong Tangke, Malinta, Valenzuela.
Narekober ng mga pulis ang anim na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang P500 marked money, ang PNP identication card ni Acosta, isang Mio type scooter at Wave type na motorsiklo.
Samantala, isang sundalo at dalawang katao na kapwa umano tulak ng ilegal na droga ang naaresto ng mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Tatalon, Quezon City kahapon ng umaga.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Joselito Esquivel Jr., ang mga naarestong suspek ay nakilalang sina Staff Sergeant Rector Baguioso, 43, aktibong miyembro ng Philippine Army (PA) na nakatalaga sa 68th Infantry Battalion, Basilanguez, Rizal; Don Samson, 37, at Marilyn Gomez, 28, kapwa residente ng Brgy. Tatalon.
Nabatid na sina Samson at Gomez ay kapwa kabilang sa drug watchlist ng Galas Police Station at siyang target sana ng ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad dakong alas-6:10 ng umaga sa Leo St., Elga, Brgy. Tatalon.
Nang mag-positibo ang operasyon at makabili ng shabu ang police poseur buyer mula kina Samson at Gomez ay kaagad nang dinampot ang mga ito.
Kaagad na ring inaresto ng mga awtoridad si Baguioso matapos na maaktuhang bumibili ng isang pakete ng shabu sa mga suspek at matukoy na regular kostumer pala ng mga drug suspect.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang apat na pakete ng shabu at buy-bust money.