MANILA, Philippines — Inaresto ang isang Partylist Representative matapos na mag-bomb joke sa NAIA Terminal 2, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa PNP-Aviation Security Group, ang inaresto ay si APEC Partylist Representative Sergio Dagooc na nagsabing may bomba ang kanyang bagahe nang tanungin kung bakit mabigat ito.
Napalaya rin naman ito matapos dumating ang kanyang abogado at ginamit na dahilan ang nasa Article 6 Section 11 ng Konstitusyon na may pribilehiyong hindi makulong ang isang mambabatas kapag ang kaso niya ay may parusang hindi lalagpas sa anim na taong pagkakakulong habang nasa sesyon ang Kongreso.
Samantala, dahil sa umano’y hindi wastong inasal sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), hinamon ni House Minority Leader Benny Abante si Dagooc na magbitiw na bilang kongresista.
Sinabi ni Abante na, kung hindi kaya ni Dagooc na umakto nang tama bilang isang mambabatas, mas makabubuting mag-resign na lamang ito.
Samantala, idiniin naman ni Dagooc na hindi siya nag-bomb joke.