MANILA, Philippines — Pawang bumagsak sa bilangguan ang isang ama at tatlo niyang anak na nabubuhay sa pagtutulak ng iligal na droga makaraang malambat sila sa ikinasang buy-bust operation ng Makati City Police nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang mga dinakip na sina Gomerciano Camarador, 60; mga anak niyang sina Homer, 38; Gomerciano Jr., 30 at Jomar, 29, pawang nakatira sa Brgy. Cembo, ng naturang lungsod.
Sa ulat, alas-7:35 ng gabi nang magkasa ng buy-bust operation ang Station Drug Enforcement Unit ng Makati Police katuwang ang Special Weapons and Tactics at Special Reaction Unit sa drug den ng mga suspek sa may Brgy. Cembo.
Nang makabili ang buyer ng shabu sa mga suspek, dito na sumulpot ang mga nakapalibot na pulis at wala nang nagawa ang mag-aama kundi sumuko.
Narekober sa kanila ang 60 piraso ng maliliit na plastic sachet na naglalaman ng shabu na may street value na P30,000; apat na kalibre .38 baril, walong bala ng 9mm baril, 2 bala ng kalibre .22 baril, drug paraphernalia at ang P300 marked money.
Nakaditine ngayon sa Makati City Police detention cell ang mga suspek na nahaharap sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Illegal Possession of Firearms and Ammunitions sa Makati City Prosecutor’s Office.