P5K reward kontra vandalism sa Marikina
MANILA, Philippines — Handang magkaloob ng P5,000 cash ang pamahalaang lungsod ng Marikina sa sinumang makapagbibigay ng photo o video laban sa mga taong sangkot sa bandalismo sa lungsod.
Ayon kay City Administrator Adrian Salvador, gagamitin nila ang mga naturang larawan at video upang hulihin at kasuhan ang sinumang magba-vandalize sa lungsod.
Layunin ng pagbibigay nila ng reward na paigtingin ang kanilang kampanya laban sa vandalism.
Sinabi ni Salvador na nais ng alkalde na maging halimbawa ng disiplina ang lungsod.
“The cleanliness here in Marikina City signifies how disciplined and organized the city government is. Clutter is equal to chaos that is why Mayor Teodoro ensures that the local government of Marikina always keep the city clean, and free of vandalism,” ani Salvador.
Nabatid na ang mga mahuhuling lumalabag sa Ordinance No. 017 ng lungsod na nagbabawal sa bandalismo ay mahaharap sa P3,000 multa, 40 oras o limang araw na community service at pagbabayad para sa gastusin sa restorasyon ng sinira nilang ari-arian, sa unang paglabag.
Ang ikalawang paglabag naman ay may katumbas na P4,000 multa, 80 oras o 10-araw na community service, at bayad para sa gastusin sa restorasyon ng sinira nilang ari-arian habang P5, 000 namang multa, pagkabilanggo ng mula 30-araw hanggang 6-buwan, at bayad para sa gastusin sa restorasyon ng sinira nilang ari-arian ang parusa para sa 3rd offense.
- Latest