MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang lalaking nagmatigas at nagpakilala pang pulis matapos arestuhin ng mga totoong alagad ng batas makaraang makipagtalo sa isang traffic enforcer na humuli sa kanya dahil sa ginawang traffic violation, kamakalawa ng tanghali sa Makati City.
Bukod sa Ordinance Violation Receipt (OVR), nahaharap din ngayon sa kasong Usurpation of Authority at Falsification of Public Documents ang suspek na si Bernard Malihan, 32, isang Information Technologist (IT) at nakatira sa No. 103 Pacheco St, Tondo, Maynila.
Sa ulat ng Makati City Police, alas-12:10 ng tanghali nang hulihin si Malihan nina Brgy. Magallanes Traffic Enforcer Carlito Mariano III at Philip Alcala dahil sa “beating the redlight” sa may EDSA-Magallanes sakay ng isang Click type scooter.
Dito nagpakilala ang suspek na isang pulis kaya humingi ng tulong ang dalawang enforcer sa PNP Mobile 94 sakay sina PCpl Bacbac at PCpl Dumadac na nasa bisinidad.
Pinanindigan ng suspek na pulis siya at nakatalaga sa Luneta Police Community Precinct ng Manila Police District (MPD) at ipinakita pa ang isang PNP identification card.
Napansin ng mga pulis na peke ang ID na ipinakita ng suspek na kinalaunan ay umamin din na hindi talaga siya pulis.
Dito na inaresto ng mga totoong alagad ng batas si Malihan na idiniretso sa Makati City Police-Criminal Investigation Division saka sinampahan ng mga kasong kriminal.