4 restaurant tumanggap ng bomb threat

Sinabi ni National Capital Region Police Office Director Maj. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar na iniimbestigahan nila kung ang mga banta ay nagmula sa isang tao o grupo.

MANILA, Philippines — Isang araw makaraang sumabog ang isang granada sa isang Korean diner, apat na restaurant sa Quezon City ang tumanggap ng bomb threat sa loob ng siyam na oras kamakalawa.

Sinabi ni National Capital Region Police Office Director Maj. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar na iniimbestigahan nila kung ang mga banta ay  nagmula sa isang tao o grupo.

“Baka gimik ito ng iresponsableng mga tao,” puna ni Eleazar.

Ang unang insidente ay nangyari sa Conti’s bakeshop sa Barangay Blue Ridge bandang alas-9:10 ng umaga nang tumawag dito ang isang lalake at nagbanta na bobombahin nila ang lugar kung hindi sila bibigyan ng pera.

“Kailangan ko ng financial assistance bago umuwing Mindanao at marami na ka­ming pinasabog,” sabi umano ng suspek batay sa police report.

Pagkaraan ng isang oras, ang may-ari ng Empacho restaurant sa  Barangay Sacred Heart ay nakatanggap ng naturan ding pagbabanta mula sa isang lalaking tumawag sa telepono.

Ang Half Saints restaurant sa Barangay South Triangle ay tumanggap ng bomb threat bandang alas-4:00 ng hapon mula sa isang lalake na nagpakilalang Commander Jaguar Sultan. Tumawag ito sa restaurant at nanghihingi ng P50,000.

Huli ang Dapo restaurant sa Barangay South Triangle na tinawagan ng isang lalake sa telepono bandang alas-6:20 ng gabi at humihingi ng P50,000 at kung hindi ibibigay ay bobombahin ang naturang establisimiyento.

Sinabi naman ni Capt. Noel Sublay,  kumander ng  Explosive and Ordnance Division ng Quezon City Police District, walang natagpuang explosive devices sa apat na establisimiyento.

Hindi iniaalis ni Sublay ang posibilidad na ang apat na insidente ay gawa ng isang tao o grupo.

“Posible dahil lahat ng tumawag ay humihingi ng pera,” sabi niya sa isang panayam sa telepono.

Lubha pa anya maaga para masabing ang apat na insidente ay kunektado sa pagsabog ng isang granada sa Chung Mi Rae restaurant noong Huwebes. Walang natatanggap na bomb threat ang restawrang ito bago nangyari ang pagsabog.

Show comments