MANILA, Philippines — Kalaboso ang anim na lalaki makaraang maaktuhang hinoholdap ang isang Chinese national sa Makati City, kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang mga inaresto na sina Dioshua Dellera, 19, mangingisda; Jeffrey Honradez, 30, jeepney dispatcher; kapatid niyang si Lester, 25; Hazel Arong, 21, jeepney barker; Ruben Quilana, 33 at Arben Gonzales, 29, kapwa ng Pasong Tamo Street, Makati.
Kinilala sila ng biktima na si Jonas Wang, 27, ng Makati City.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-3:45 ng madaling araw sa kanto ng Washington Street at Buendia Avenue sa naturang lungsod.
Nabatid na nagpapatrulya ang mga tauhan ng Police Community Precinct 3 nang maaktuhan ang nagaganap na holdapan.
Nakita ng mga suspek ang paparating na pulis kaya nagkanya-kanyang takbuhan para makatakas. Dito nagkaroon ng habulan hanggang sa pawang masakote ng mga awtoridad ang anim na suspek.
Narekober kay Honradez ang isang kalibre .22 magnum na baril na may limang bala.