Mayor Joy B lumikha ng internal audit service
MANILA, Philippines — Lumikha si Quezon City Mayor Joy Belmonte ng isang Internal Audit Service (IAS) na naglalayong tiyakin ang good governance at transparency sa lungsod.
Isinagawa niya ito sa pamamagitan ng una niyang executive order bilang alkalde.
Ang IAS na minamandato ng Internal Auditing Act of 1962 ay siyang susuri sa mga gawain ng executive department ng pamahalaang lokal sa paggamit sa taunang badyet ng lungsod.
Sa kanyang inaugural speech noong Hunyo 30, sinabi ni Belmonte na nilalayon sa paglikha ng IAS na tulungnan ang kanyang administrasyon sa pagtitiyak ng mas mabuting pamamahala.
“Ang good governance mga kaibigan ay nagsisimula sa transparency at accountability. Nagsisimula ito sa pagiging bukas at matapat,” paliwanag ng alkalde .
Susuruin ng IAS ang mga management control at operation performance at tukuyin ang antas ng pagsunod sa mga batas, regulasyon at managerial policies, accountability measures, ethical standards, at contractual obligations ng executive department ng pamahalaang lokal.
Aanalisihin at susuriin din ng IAS ang mga management deficiencies at tulungan ang nakakataas na pangasiwaan sa pamamagitan ng pagrerekomenda ng kaukulang hakbang.
Itatatag din sa ilalim ng IAS ang compliance, management at operation audit na magtatasa sa mga layunin ng lungsod kabilang ang pangangalaga sa mga ari-arian, pagsusuri sa accuracy at reliability ng accounting data; pagtalima sa patakaran ng pangasiwaan at pagsunod sa mga batas, patakaran at regulasyon.
Ang IAS ay malayang makakapagbukas, makakatingin at makakapasok sa lahat ng functions, premises, assets, personnel records, inventory at ibang mga dokumento at ibang impormasyon na ayon kay Belmonte ay kailangan sa pagsasagawa ng internal audit activities at magmantini ng impartiality sa mga opisina.
- Latest