Tsino ipinade-deport ni Isko Moreno sa pagsapak ng tanod, pag-ihi sa pader
MANILA, Philippines — Gusto ngayong pabalikin ng Tsina ni Manila Mayor Francisco "Isko" Moreno Domagoso ang isang banyaga matapos diumanong manakit ng tanod at umihi sa kalsada.
Aniya, sinisita lang daw ng tanod ang isang Tsino, na hindi pinangalanan ng mayor, nang biglang manggalaiti sa opisyal.
"‘Di lang nagalit ang Chinese, sinapak pa ng Chinese national ‘yung tanod. Nakarating sa akin,” ani Domagoso sa isang pahayag Lunes.
"If you hit an enforcer, if you attempt to hurt policemen, because you think your country is a superpower, you are not welcome in the City of Manila," dagdag niya.
(Kung mananakit ka ng enforcer, kung tatangkain mong manakit ng pulis dahil tingin mo galing ka sa isang superpower na bansa, hindi ka welcome sa Lungsod ng Maynila.)
Oras na malaman daw ni Domagoso na may hawak na foreign passport ang nabanggit ay agad naman daw silang susulat sa Bureau of Immigration upang ipa-deport ang banyaga.
"We will deport you and ban you from entering the country," sabi niya.
(Ipa-dedeport ka namin at pagbabawalang makabalik ng Pilipinas.)
Muli naman niyang pinaalalahanan ang mga banyaga na respetuhin ang mga panuntunan ng binibisitang lugar.
Alam naman daw kasi ng lahat na iligal ang pag-ihi sa kalye at maaaring ikakulong.
Pinasalamatan naman ni Isko ang mga kapitan ng barangay na "buo ang loob" na tumutulong upang maipatupad ang ordinansa ng Maynila.
'Kapag ganun ang ginawa ninyo, eto ako, kakampi niyo," kanyang panapos.
Bahagi pa rin ito ng pagpapakitang-gilas ng bagitong alkalde upang "malinis" ang kanilang lungsod, isang linggo matapos maupo sa pwesto.
- Latest