MANILA, Philippines — Nagbanta ng 12-hour transport holiday ang iba’t ibang samahan ng transport network vehicle services (TNVS) sa darating na Lunes.
Sa press conference kahapon sa QC, sinabi ng TNVS Community at Defend Job Philippines na layon ng pagkilos na kondenahin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kumplikado at mabagal na proseso ng ahensya sa pagkakaloob ng provisional authority at certificate of public convenience.
Dahil sa mabagal anilang pagkilos ng LTFRB, maraming mga TNVS drivers ang halos hindi na makapaghanapbuhay kaya apektado ang pagkukunan ng gastusin ng kanilang pamilya partikular na ng pagkain at baon ng mga anak sa pag- aaral.
Sa transport holiday, pansamantalang ititigil ng mga TNVS drivers ang kanilang operasyon at magiging offline ang mga ito mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas- 6:00 ng gabi.
Sobrang pahirap anila ang mga polisiya ng LTFRB kabilang ang umanoy “inconsistencies” sa pagproseso ng mga registration at application para sa TNVS.
Nanawagan naman ang ride-hailing firm Grab sa TNVS partner drivers na huwag ituloy ang plano dahil maraming maaapektuhan sa pagdami ng mga bookings.
Ayon sa Grab public affairs manager Nicka Hosaka na maaari namang mapag-usapan ang sentimiento ng mga TNVS drivers at upuan sa isang public dialogue.
Una nang nagsagawa ng pag-deactivate ang Grab sa may 5,000 TNVS drivers dahil sa kawalan ng mga ito ng provisional authority, na isang requirement ng LTFRB sa pagpasada ng sasakyan.