Trahedya sa NLEX: 8 patay
MANILA, Philippines — Walo katao ang agad na nasawi habang nasa 15 pa ang malubhang nasugatan makaraang tumagilid ang isang pampasaherong bus na bumibiyahe sa North Luzon Expressway (NLEX) sa bahagi ng Valenzuela City, kamakalawa ng gabi
Pinakahuling nakilala ng mga pulis na nasawi sa insidente sina Norberto Ancajas, 48, ng Quezon City at si John Christopher Ednave, 36, ng Bocaue, Bulacan.
Una nang kinilala ng pulisya ang anim na nasawing pasahero na sina Leo Victorino, 38, ng Sta. Maria, Bulacan; Jennifer Fernandez, 32, ng Quezon City; Joan Salcedo Garcia, ng Rodriguez, Rizal; Mary Grace Alvarez, ng Bulacan; Maria Paz Mariano, ng Bulacan at Zeus Lapig, ng Bulacan.
Sa ulat ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente dakong alas-7:10 ng gabi sa may Km12+800 ng Southbound ng NLEX sa may Brgy. Gen. T. De Leon, sa naturang lungsod. Sangkot sa insidente ang isang Isuzu Crosswind SUV (ZGG 985) minamaneho ni Marvin Joseph Giron, 32 at ang Del Carmen bus (AGA 8610) na inooperate ng Buena Sher Transport Corp. na minamaneho naman ni Victorio Delos Reyes, 39.
Dahil sa lakas ng ulan, bigla umanong bumagal ng takbo ang Crosswind dahilan para mabundol ito ng kasunod na Del Carmen bus. Tinangka pa umanong iiwas ng tsuper ang bus dahilan para pumaikot ito, humampas sa barrier at tumagilid habang tumilapon naman sa creek ang SUV na nabundol.
Sa lakas ng impact, ilan sa mga sakay ng parehong behikulo ay tumilapon palabas o kaya naman ay naipit ang katawan sa sasakyan dahilan ng kanilang kamatayan at mga pinsala.
Nabatid pa kay Valenzuela City Police chief, Colonel Carlito Gaces na normal naman umano ang takbo ng bus at may sakay na 30 pasahero.
Nasa hospital arrest ngayon ang tsuper ng bus na si Delos Reyes na nagtamo rin ng mga pinsala sa katawan habang inihahanda ng pulisya ang pagsasampa ng kaukulang kaso.
Ngunit iginiit ng Buena Sher Transport Corporation sa pamamagitan ni Roberto Viardo, operations manager nito, na naisailalim naman sa road worthiness check ang kanilang bus at isinisi ang insidente sa ulan. Tiniyak naman niya na sasagutin ng kanilang kompanya ang gastos sa pagamutan at pagpapalibing sa mga biktima.
- Latest