14-wheeler dump truck, ‘nilamon’ sa Roxas Blvd

MANILA, Philippines — Isang dambuhalang 14-wheeler dump truck na kargado ng buhangin ang aksidenteng lumubog sa isang bahagi ng kalsada sa northbound ng Roxas Blvd., kahapon ng madaling araw, sa Malate, Maynila.

Nagdulot naman ng pagsisikip ng daloy ng trapiko ang pansamantalang pagsasara ng kalsada sa panulukan ng Remedios St., at Roxas Blvd.,dakong ala-1:00 ng madaling araw.

Ayon sa driver ng truck na si Michael Lagco, ide-deliver umano nila ang buhangin sa Manila Baywalk para sa rehabilitation na nagmula pa sa lalawigan ng Pampanga.

Hindi umano sila nakadiretso sa main road ng Roxas Blvd. nang palipatin sila ng traffic enforcers sa service road dahil sa paghahanda sa Manila Marathon 2019 event.

Ang cargo side ang nahulog sa nabutas na kalye at hindi ang truck head kaya maswerteng hindi nasugatan ang driver at dalawang pahinante.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), ang lumubog na bahagi ng naturang kalsada ay may kapasidad lamang na 20 tonelada at sa bigat na 40 toneladang karga ng truck ay bumigay ang sementadong kalye na kung saan ang ilalim na bahagi ay ang daanan ng drainage system.

Show comments