8-10 taong pagkakulong hatol sa Indonesian na may konek sa IS-Maute

Ang dayuhan na pinaghihinalaang may koneksyon sa Islamic State (IS)- Maute Group at nasentensiyahang makulong ay kinilalang si Muhammad Ilham Syahputra.
File

MANILA, Philippines — Isang Indonesian national ang hinatulan kahapon ng walo hanggang sampung taong pagkabilanggo ng Taguig Court matapos na mahulihan ng baril habang ipinatutupad ang Martial Law sa Marawi City, Lanao del Sur noong Nobyembre 2017.

Ang dayuhan na pinaghihinalaang may koneksyon sa Islamic State (IS)- Maute Group at nasentensiyahang makulong ay kinilalang si Muhammad Ilham Syahputra.

Sa 13-pahinang desisyon ni Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branch 266 Judge Marivic Vitor, napatunayang guilty si Syahputra  sa kasong paglabag sa Republic Act no.10591 o Comprehensive Firearm and Ammunition Act at hinatulan ng mula walo hanggang sampung taong pagkakulong.

Sa testimonyang ibinigay ni P/Chief Inspector Christopher Cabugwang, head ng Provincial Drug Enforcement Unit sa Lanao del Sur na noong Nobyembre 1, 2017 habang nagsasagawa sila ng clearing operations sa Bangun, Marawi City na impormahan sila ng Barangay Peace Action Team (BPAT) tungkol sa kahina-hinalang lalaki na may dalang bag.

Nang respondehan, doon nadakip ang dayuhan na nagtangka pang tumakas. Nasamsam dito ang kalibre. 45 baril, granada, mga dokumento at pera na may iba’t ibang currencies.

Kasalukuyan noong nasa ilalim ng Martial Law ang lugar matapos ang naganap na Marawi siege.

Show comments