MANILA, Philippines — Tumirik ang isang tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) matapos dumanas ng problemang teknikal sa area ng Makati City, kahapon ng umaga.
Ayon sa abiso ng Department of Transportation (DOTr), dakong alas-6:08 ng umaga nang magkaroon ng aberya ang tren sa pagitan ng Guadalupe at Sen. Gil J. Puyat (Buendia) stations.
Inabot pa ng hanggang 6:47 ng umaga bago tuluyang naayos ang problema na siyang dahilan ng pagkakaroon ng mahabang pila ng mga pasahero sa mga istasyon ng MRT-3.
Kaagad namang humingi ng paumanhin sa kanilang mga mananakay ang pamunuan ng MRT-3 dahil sa perwisyong idinulot ng aberya.
Matatandaang nitong Miyerkules ay isang tren din ng MRT-3 ang tumirik sa pagitan ng dalawang istasyon sa Makati City dahil sa electrical failure sa motor, sanhi upang 700 pasahero nito ang pababain ng tren at inilipat na lamang sa kasunod na tren upang maihatid sa kani-kanilang destinasyon.