Sa Atio Castillo case
MANILA, Philippines — Hinatulan ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 14 na makulong ng apat na taon ang isa sa mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity na si John Paul Solano bunsod ng obstruction of justice sa pagkamatay sa hazing ng University of Santo Tomas freshman law student na si Horacio ‘Atio’ Castillo III.
Batay sa desisyon ni MTC Judge Carolina Esguerra, ang sentensiya kay Solano ay dahil sa pagbibigay nito ng affidavits kung paano dinala si Castillo sa Chinese General Hospital matapos ang initiation rites.
Sa unang affidavit ni Solano sa Manila Police District (MPD) noong September 17, 2017, sinabi nitong hindi niya kilala si Castillo at natagpuan lamang niya itong nakabulagta sa kalsada kaya’t dinala niya sa ospital.
Taliwas naman ang naging pahayag ni Solano sa kanyang ikalawang affidavit sa pagsasabing pinakiusapan niya ang kanyang mga kasamahan sa fraternity na dalhin na sa ospital si Castilo matapos na mag-collapse.
Isinagawa ang initiation rites sa library ng Aegis Juris Fraternity noong Setyembre 17, 2017.
Ang ibang miyembro ng fraternity ay nahaharap sa kasong homicide at paglabag sa Anti-Hazing Law.
Samantala, sinabi naman ni Minnie Castillo, ina ni Atio, ang conviction ni Solano ay isang hakbang para sa hinahangad nilang hustisya.
“We are very happy with the conviction of obstruction. This is what we’ve been saying that they are guilty of obstruction, they concealed, they lied,” ani Ginang Minnie Castillo.