MANILA, Philippines — Patuloy pa rin ang pagbaba ng water level sa Angat dam kahit na may nararanasang pag-uulan ngayon sa Luzon partikular sa Metro Manila.
Ayon kay National Water Resources Board Executive Director Sevillo David , ito ay dahil hindi nakakarating sa Angat watershed ang tubig na mula sa mga nararanasang pag- ulan sa Metro Manila lalo na sa hapon at gabi.
Ayon sa PagAsa, alas- 6 ng umaga kahapon, bumaba sa 164.02-meter ang water level ng Angat dam mula sa 164.48 meters noong Miyerkules.
Ito ay malayong malayo sa 180-meter minimum water level na kailangan ng Angat dam para maging normal ang operasyon. Ang Angat dam ang nagsusuplay ng 90 percent ng tubig sa Kalakhang Maynila.
Gayunman, sinabi ni David na sapat naman ang suplay sa mga taga- Metro Manila kahit bumababa pa rin ang water levels sa dam.
Noong nagdaang buwan, binawasan ng NWRB ang naisusuplay na tubig sa irigasyon dahil sa pagbaba ng water level sa dam sanhi ng El Niño phenomenon pero hindi naman ito makakaapekto sa mga magsasaka dahil nasa kalagitnaan na sila sa kanilang planting season.