MANILA, Philippines — Ipinakukuha na ng Philippine National Police ang mga armas na nasa pangangalaga ng broadcaster na si Erwin Tulfo.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Bernard Banac, napaso na raw kasi ang license to own and possess firearms ni Tulfo.
"The Philippine National Police has ordered for the recall or temporary custody... of the firearms of Erwin Tulfo in as much as the license to own and possess firearms of Mr. Tulfo has already expired," sabi ni Banac sa isang press conference Biyernes.
(Ipinag-utos na ng Philippine National Police ang pagpapasaoli o paglalagay sa pansamantalang kostodiya... ng mga baril ni Erwin Tulfo matapos mapaso ang kanyang license to own and possess firearms ni Ginoong Tulfo.)
Nanyari ito matapos tanggalan ng mga police escort sina Tuflo at kanyang mga kapatid ilang araw pa lamang ang nakalilipas.
Nangyari ang lahat ng ito nang kastiguhin ni Tulfo sa kanyang palatuntunan sa radyo ang dating hepe ng militar at ngayo'y kalihim ng Department of Social Welfare and Development na si Rolando Bautista na tumangging magbigay sa kanya ng panayam.
Nauna nang humingi ng paumanhin si Tulfo sa mga sinabi kay Bautista ngunit nanindigang karapatan niyang batikusin ang mga opisyal ng pamahalaan.
Pero ayon kay PNP chief Oscar Albayalde, posible pa naman uli silang makakuha ng police escorts.
"So meaning, if the LTOPF is already expired, then there is no more authority or reason for an individual to keep firearms, to own firearms, even if these firearms are still valid," dagdag ni Banac.
(Ang ibig sabihin, kung expired na ang LTOPF, wala nang otoridad o dahilan ang indibidwal na mangalaga ng mga baril, mag-angkin ng firearms, kahit na balido pa rin ang mga ito.)
Sabi ng PNP, Huwebes pa nang padalhan ng "bukas na palugit" si Tulfo.
Kinontak naman na raw ni Tulfo ang PNP at sinabing balak na niyang ipa-renew ang kanyang LTOPF, ani Banac.
Habang pino-proseso raw ang kanyang LTPF, pwede naman daw na hindi niya ito isuko basta't maipakita niyang inaasikaso na niya ang mga rekisitos na hinihingi.
Posible naman daw na siya'y ipaaresto kung hindi susunod sa kautusan.
"Otherwise, the CSG-FEO (Civil Security Group-FEO) may deem it proper to apply for a search warrant," dagdag ni Banac.
(Kung hindi, maaaring mag-apply ng search warrant ang CSG-FEO.)
Kilala si Tulfo, kasama ang kanyang mga kapatid, sa kanilang pagbabalita't public service sa radyo't telebisyon.
Utol din ni Erwin si dating Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo at Ben Tulfo na una nang sinita ng Commission on Audit dahil sa kanilang mga diumano'y kwestyonableng advertisement deal sa People's Television network na nagkakahalaga ng P60 milyon.
Kahapon, sinabi ng Palasyo na bahala na ang Department of Justice na mabawi pera.
"That’s DOJ’s call. Their mandate is to prosecute those who have violated the law," wika ni presidential spokesperson salvador Panelo.
(Nasa kamay na ng DOJ 'yan. Trabaho nila na mag-prosecute ng mga lumalabag sa batas.)