MANILA, Philippines — Hiniling ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte kay QC Mayor Herbert Bautista na matulungan ng lokal na pamahalaan ang mga silid -aralan sa lungsod na nangangailangan ng mga upuan.
Ang pahayag ay ginawa ni Belmonte nang makarating sa kanya ang ulat mula sa QC Division of City Schools na karamihan sa mga naipatayong school buildings sa lungsod para sa SR High School ay wala pa ring mga upuan para magamit ng mga estudyante ngayong pasukan.
“Hinihiling natin kay Mayor Herbert Bautista na sana ay ma-priority niya na mabigyan ng city government ng lahat na pangangailangan ang mga kabataang mag-aaral para walang maging problema sa pasukan..sana magkaroon na ang mga kabataang mag-aaral ng sapat na mga gamit tulad ng mga upuan laluna doon sa mga SR High schools na kakatapos lang ng inaguration kaya sana bago magpasukan sa June 3 ay may magagamit na sila dahil mahirap naman na mag-aaral sila ng nakatayo, sana ngayon pa lang ay masolosyunan na yan bago magpasukan”, pahayag ni Belmonte.
Sinasabing maraming bilang ng mga naipatayong SR High schools ang Bistek administration na katatapos lamang maisailalim sa inagurasyon at mai-turnover sa QC Public School Administrators gayunman, wala namang mga upuan para magamit ng mga mag-aaral.
Ayon kay QC Public School District Supervisor Junlever Zipangan, sa ngayon, ang mga SR High schools lamang ang hindi pa kumpleto ang gamit para sa mga mag-aaral ng QC tulad ng mga upuan. Maaari naman anyang mag request sila sa Deped NCR ng mga monoblocks.