Spa na may ‘extra service’ ni-raid: 2 maintainer timbog

MANILA, Philippines — Inaresto  ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Anti Human Trafficking Division  (NBI-AHTRAD) ang isang lalaki at isang babae na nagpapatakbo ng Spa kung saan nasagip ng mga awtoridad ang may 17 kababaihan kabilang ang apat na menor de edad na ‘ibinubugaw’ ng dalawa sa Makati City.

Ayon kay NBI Director Dante Gierran, noong Mayo 22, 2019, sinalakay  ng NBI-AHTRAD ang Quija Spa na kilala ring ‘Native Palm Spa’  sa T. Tower Condominium sa  P. Burgos St., Makati City kung saan naaktuhan ang mga suspek na kinilalang sina Edril Delos Santos, Caloocan City at Jenny Lebradilla Coral, ng Quezon City , sa pangangasiwa ng Spa at pinainiwalaang ginagawang sex den.

Mayo 17 nang isagawa ang surveillance operation at  natuklasang   iniaalok ang mga babaeng biktima sa halagang P3,000 para sa panandaliang aliw sa mga kustomer ng Spa.

 Isinagawa ang entrapment operation makalipas ang limang araw at doon nagpositibo ang iligal na aktibidad ng mga suspek.

Narekober din ng NBI ang mga kahun-kahong condom sa reception area ng Spa.

Isa ang aminadong menor de edad habang ang tatlo ay idinaan sa dental examination na natukoy na pawang minor din.

Naisampa na ang reklamong paglabag sa Republic Act 9208 o Anti  Trafficking in Persons  Act of 2003, RA 7610 o Special Protection Against  Child  Abuse, Exploitation and Discrimination  laban sa mga suspek sa Department of Justice (DOJ).

Show comments