Bus sumalpok sa bakod ng Bataan Nuclear Power Plant

Ayon sa ulat ng dzBB, nawalan daw ng preno ang sasakyan, dahilan para masugatan ang 27 pasahero.
AFP

MANILA, Philippines — Isang pampasaherong bus ang bumangga sa bakod ng kontrobersyal na Bataan Nuclear Power Plant, batay sa ulat ng Bataan Provincial Police.

Ayon sa ulat ng dzBB, nawalan daw ng preno ang sasakyan, dahilan para masugatan ang 27 pasahero.

Sabi kay P/Col Villamor Tuliao, provincial director ng Bataan police, sinasaklolohan pa rin daw ang tsuper ng bus.

"40 passenger on board at 27 ang itinakbo sa pagamutan. 'Yung driver ay naipit at nire-rescue pa hanggang ngayon at buhay naman," ani Tuliao.

Ipinatayo ang nasabing planta sa Morong, Bataan taong 1976 ngunit hindi pinatakbo dahil sa isyu ng kaligtasan at isyu ng katiwalian matapos ang nangyaring nuclear disaster sa dating Soviet Ukraine.

Pagbubukas uli ng planta

Nitong Enero 2019, inirekomenda ni Michael Shellenberger, presidente ng Environmental Progress na muling mapatakbo ang planta para "makatulong sa kalikasan" at "masugpo ang kahirapan."

"In the Philippines, energy is just too expensive. Moving to nuclear electricity gives you cheaper and cleaner energy," ayon sa TED Talk niya na inilabas sa Facebook live ng Department of Energy.

(Sa Pilipinas, mahal ang enerhiya. Mabibigyan ng nuclear electricity ng mas mura at malinis na enerhiya ang taumbayan.)

Aniya, makalilikha raw ito ng mga trabahong mataas ang pasweldo at makatitipid mula sa bilyun-bilyong ginagastos para mag-angkat ng coal, langis at natural gas.

Gayunpaman, tinututulan pa rin ito ng mga environmental groups tulad ng Kalikasan People's Network for the Environment at Center for Energy, Ecology, and Development.

"A nuclear plant, especially one in the Philippines, carries with it a number of hazards whose effects could prove irreversible for a developing country like ours," ayon kay Gerry Arances, executive director ng CEED.

(Ang mga plantang nukliyar, lalo na sa Pilipinas, ay magdadala ng maraming peligro at 'di mababawing epekto sa mga bansang umuunlad pa lang gaya ng atin.)

Delikado raw ito lalo na't nasa typhoon belt at Ring of Fire ang Pilipinas, kung kaya't malaki raw ang peligrong dinadala nito sa taumbayan.

Hindi rin daw mura ang nukliyar at nagbaon na raw sa mga bansa gaya ng India at Finland sa utang.

Posible raw na umasa lang din daw ang Pilipinas sa mga bansang mayaman sa uranium kung ipatutupad ito.

Show comments