Marcos bridge isasara bukas
MANILA, Philippines — Matapos na ilang beses na ipagpaliban, ngayong Sabado (Mayo 25) na isasara sa mga motorista ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang East bound ng Marcos Bridge sa kahabaan ng Marcos Highway bunsod ng rehabilitasyon dito.
Sa anunsiyo kahapon ni MMDA General Manager Jojo Garcia, simula alas-11:00 ng gabi ng nasabing petsa ay sarado na sa mga motorista ang Eastbound portion ng nabanggit na tulay.
“Pagkatapos ng dalawang linggong paghahanda, sigurado na ito. Sarado ang Marcos Bridge sa susunod na apat na buwan para sa rehabilitasyon nito,” sabi ito ni Garcia sa press briefing kahapon sa tanggapan ng MMDA.
Ang mga Light vehicles na papuntang Antipolo ay dadaan ng westbound direction at ang papunta namang Cubao ay maaaring gamitin ang service road ng harapan ng SM Marikina mall.
Sa orihinal, dapat noong Mayo 4 ng taong kasalukuyan isinara ang naturang tulay ngunit ilang beses din itong pinagpaliban dahil sa isinagawang ocular inspection at hindi pa handa ang private contractor para sa rehabilitation project ng nabanggit na tulay.
Nabatid na itinayo ang naturang tulay noong 1979, boundary ng Marikina at Pasig City. Average na dumadaan dito kada oras ay nasa 6,400 behikulo.
Maglalagay din ng road traffic advisories sa site ng naturang proyekto para masabihan ang publiko lalo na ang mga motorista.
- Latest