MANILA, Philippines — Pansamantalang itinigil ang biyahe makaraang umusok at magliyab ang isang tren ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) habang bumibiyahe sa area ng Sta. Cruz sa Maynila kamakalawa ng hapon.
Nabatid na dakong alas-5:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa Blumentritt Station.
Batay sa kwento ng isa sa mga saksi na si Daniel Noble-za, na nakakuha pa ng larawan ng insidente, naghihintay sila ng bagon sa naturang istasyon ng tren, nang makaamoy sila ng tila nasusunog na wire ng kuryente habang paparating ang naturang tren.
Ayon kay Nobleza, paghinto ng tren ay umuusok na ito at bahagya pang nag-apoy kaya’t kaagad na pinalayo ang mga pasahero mula sa tren upang makaiwas sa disgrasya.
Ipinaliwanag naman ni Rochelle Gamboa, ang head ng Corporate Communications ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), na ang pagliyab ng tren ay galing sa underbody o sa ilalim ng tren.
Kaagad rin naman aniyang napatay ang apoy matapos ang apat na minuto. Sinabi ni Gamboa na iniimbestigahan na nila ang pinagmulan ng insidente at susuriin ng kanilang mga engineers ang aberya at kaagad itong sosolusyunan.